Habang maikli ang kumot, matutong mamaluktot.
Ito marahil ang lagi kong naririnig sa aking ina hanggang sa ako ay magkaisip at maunawaan na sadyang hindi parehas ang istado ng buhay ng tao. Ang iba, ika nga nila, ay pinanganak na may kutsarang gintong nakasubo sa bibig nito. Ngunit ang higit na nakalalamang ay yaong mga isang kahig, isang tuka.
Hindi naman kami nabibilang sa anumang grupong nabanggit. Hindi kami nakatira sa isang marangyang bahay, ngunit hindi rin naman kami naghihikahos sa buhay. Simple lamang ang aming tahanan. At sa loob ng tahanang iyon malimit ay umaalingawngaw maging umaga man o gabi ang tinig ng aking magulang. Busog ako sa kanyang mga matatalinhagang pangaral.
Nang lumaon, kasabay ng aking paglaki ang mga pangaral ni nanay. Sadyang hindi siya napapagod paalalahanan ang kanyang nag-iisang anak mula sa “nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa” hanggang sa “kung may isinuksok, may madudukot,” at “ang may malinis na kalooban ay walang kinatatakutan.”
Ngayon, ako ay mayroon na ring mga anak. At kung babalikan kong muli ang mga pangaral ni ina, masasabi kong kung ano ako ngayon ay dahil sa mga katagang malimit n’yang bitawan at ipabaon sa akin.
Aking napagtanto sa pagtungtong ko sa paaralan at sa pakikisalamuha sa tao na ang mga bukambibig na malimit bigkasin ng aking ina ay mga salawikain (proverbs). Sila ay sadyang masarap bigkasin dahil ang mga pinagsama-samang pariralang ito ay para bang patula kung wikain. Sila ay nagpapahayag ng gintong aral at lubhang makahulugan at naglalayong magbigay patnubay sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.
Pinaniniwalaang ang mga salawikaing ito ay mga kasabihan ng ating mga ninuno na patuloy na nagpasalinsalin hanggang makarating sa ating makabagong henerasyon. At salamat na lamang sa mga makabayang tulad ni Gng. Neni Sta. Romana-Cruz na sinikap pagsama-samahin sa iisang basahin ang mga kasabihang ito.
Kayat ganun na lamang ang aking galak nang ako ay makatanggap ng imbitasyong matunghayan ang book launch ng Philippine Proverbs ni Gng. Sta. Romana-Cruz. Kasama rin sa maikli ngunit masayang pagtitipong iyon ang magaling na si G. Eisen V. Bernardo. Siya ang mabusising gumihit at nagbigay ng kakaibang kulay sa koleksiyong ito ni Gng. Sta. Romana-Cruz.
Ang Philippine Proverbs ay naglalaman ng 105 pinakanatatanging salawikain na isinalin sa iba’t ibang dialekto sa Pilipinas katulad ng Ivatan, Kapampangan, Cebuano, Hiligaynon at iba pa. Ito ay inilathala ng Tahanan Books Manila, isang eight-time winner ng National Book Awards for Children’s Literature at nakapaglimbag na ng mahigit sa isang daang mga aklat patungkol sa mga kwentong pambayan hanggang sa siyensya at maging mga kalinangang bantog.
Ako ay mapalad na nakapag-uwi ng librong Philippine Proverbs. Hindi na ako nakapaghintay pang umuwi sa aming tahanan upang basahin ang aking bagong aklat. Sa aking pagbyahe ay binuksan at ninamnam ko na ang laman nito. At kay sarap basahin ang mga kasabihang nakalathala sa libro ni Gng. Sta. Romana-Cruz na mas lalong binigyang kulay pa dahil sa kaakit-akit na mga guhit ni G. Bernardo.
Sa aking pagbabasa, muling bumalik sa aking alaala ang mga pangaral ni ina na naging pamantayan ko sa aking pamumuhay. Masasabing dahil sa mga kasabihang ito, naitanim sa aking kaisipan ang kabutihang asal, pagmamahal sa kapwa at bayan, pagkakaroon ng takot sa Diyos, at pagpapahalaga sa oras, salapi at ilan pang mga bagay.
Narito ang ilan sa mga nakakaaliw ngunit sadyang malaman na mga salawikain sa aklat na Philippine Proverbs:
Kadakol ngani a payong may buhok, pero pira lang a may hutok. – Bikol
All heads have hair, but not all heads have brains.
Andi lay manoman telek, ng ag samay toon ag ondengel. -Pangasinense
No one is more deaf than the one who refuses to hear.
Dili tanang magkatawa malipayon. – Cebuano
Not all who laugh are happy.
Madali ang maging tao, mahirap ang magpakatao. – Tagalog
Easy to be born a man, hard to act like one.
O, diba? Sadyang kay sarap basahin. Maaaring mahirap arukin ngunit kung ating nanamnamin, sila ay mga bukambibig na naglalaman ng karunungan. Sila ay para binibigkas sa pamamaraang makata ngunit tinutumbok nito ay mga pangaral o paalala sa nakatatanda man o nakababata upang gabayan at iwasto ang mga pamantayan sa buhay.
Nagmamadali akong umuwi pagkatapos ng pagtitipong iyon. Nais kong ibahagi sa aking mga supling ang bitbit kong munting aklat na puno ng matatalas na pananalita ngunit umaapaw sa karunungan at aral. At isa sa nais kong mabasa at maunawaan nila —
Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. – Tagalog
Mercy resides in God, deeds reside in men.
Hanggang sa muli!
I love all your blog posts since I started following this blog but I especially love this one so far. Nice meeting you, Mommy Berlin.
Thank you, Richelle. Nice meeting you as well and looking forward to exchanging kwentos with you.